DISMAYADO ang aktres na si Nadia Montenegro matapos madukutan at malimas ang laman ng ATM card ng kanyang ina sa loob ng membership-shopping club.
Ang ikinasama pa ng loob ng aktres ay ang tila kawalan ng aksiyon ng shopping club na matunton o mahabol ang mga kawatan.
Ayon sa aktres, sumugod siya sa S&R sa Novaliches nang ipaalam ng kanyang kapatid ang pambibiktima sa kanilang ina noong Marso 2.
Tumawag na ng pulis ang aktres nang hindi umano siya pansinin ng management gayundin ang pagtanggi na makita niya ang CCTV footage.
Umabot umano sa P130,000 ang nawala sa kanyang ina. Ito ay sa loob lamang ng ilang minuto.
Nabatid na pito katao ang nagnakaw sa wallet ng kanyang ina. Nakapag-withdraw din ang mga ito sa loob lamang ng 10 minuto.
“I don’t hardly do this but this is very scary and unacceptable,” sabi ng aktres. “We’re not safe anymore, we’re not even safe in a membership club.”
Ibinigay din ni Montenegro ang access sa CCTV footage at ibinahagi rin ang screenshot kung saan napapalibutan ng mga suspect ang kanyang ina, base na rin sa Facebook page ng aktres.
“UNACCEPTABLE! GOD WILL PUT YOU IN YOUR PROPER PLACES! NAPATAWAD KO NA KAYO (I have forgiven all of you). NOW ITS TIME TO PAY FOR THE CONSEQUENCES OF YOUR EVIL ACTIONS!” ayon pa sa aktres.
Idinagdag pa nito na nakilala niya ang mukha ng mga suspect gayundin ang plate number ng mga sasakyan nito. Makikipag-ugnayan din umano sya sa pulisya at ipaaalam nito sa publiko ang susunod pang kaganapan.
