Gerald Anderson.
ISANG sikat na showbiz personality ang nabiktima ng Basag-Kotse Gang sa Quezon City, kung saan natangay ng mga suspect ang ilang mahahalagang gamit ng aktor.
Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), bandang alas 5:00 ng hapon habang nakaparada sa harap ng isang establisimyento sa kahabaan ng Roces Avenue ang mamahaling SUV ng aktor na si Gerald Anderson, sumalakay ang mga pinaniniwalaang miyembro ng gang. Hagip sa CCTV ang aktuwal na pagbasag (gamit ang suot na helmet) ng salaming bintana at pagpasok ng isa sa mga suspect na kumuha ng mga gamit ng aktor sa likurang bahagi ng sasakyan ni Anderson, sabay karipas ng sinasakyang motor palayo.
Nang mapansing walang sakay ang SUV, agad na bumalik ang suspect sa hudyat ng isa pang kasamang nagsilbing lookout.
Dito na nilimas ang iba pang mahalagang gamit sa loob ng naturang sasakyan. Makaraang mabalita sa telebisyon kahapon ng umaga, agad na sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) ang isang John Allen Dancel na umamin sa krimen.
Katwiran ng suspect, hindi nila target na biktimahin ang aktor. Aniya, natapat lang umanong sasakyan ni Anderson ang kanilang “nadiskartehan ng pagkakaperahan.”
Hindi man lahat, nabawi naman sa pag-iingat ng suspect ang ilang gamit kabilang ang ID at pasaporte ni Anderson.
