

NAGTAGUMPAY ang negosyanteng si Rose Nono Lin sa laban nito sa bagsik ng desisyon ng Senate Blue Ribbon (SBR) Committee dahil hindi na matutuloy ang pagpapadakip sa kanya.
Ang nagpasya laban sa utos ng SBC na arestuhin si Lin ay ang Pasay City – Regional Trial Court (Pasay – RTC).
Si Judge Elenita C. Dimaguila ng branch 112 ay nagpalabas ng 6-pahinang kautusan ng pagpapatigil sa SBR na ituloy ang pag-aresto kay Lin.
Inilabas ang desisyon ni Dimaguila nitong Pebrero 23 (Miyerkules).
Nararapat lamang na kilalanin , sundin at ipatupad ng SBR ang utos ng Pasay – RTC. Patunayan ng mga senador na kabilang sa SBR , sa pangunguna ni Senador Richard “Dick” Gordon na patas, tapat at totoong kinikilala nila ang “ligal na proseso” na bahagi ng tinatawag nating “Rule of Law”. Batay sa rekord ng Senado, hinatulan ni Gordon si Rose Nono Lin na ipadakip ang negosyanteng ito dahil “contempt” daw ang ginawa nitong ‘di pagdalo ng dalawang beses sa mga pagdinig ng SBR tungkol sa anomalya umano sa pagkapanalo ng Pharmally Pharmaceutical Corporation (PPC) sa bidding ng P8 bilyong halaga ng kontrata ng Department of Budget and Management (DBM) sa mga produktong panlaban sa coronavirus disease – 2019 (COVID – 19).
Disyembre 21 nitong nakaraang taon at Enero 27 ng kasalukuyang taon ang pagliban ni Lin.
Ikinagalit at minasama ito ng mga senador kahit nagbigay ng “katanggap-tanggap n batayan” si Rose Nono Lin.
Malinaw na dumalo si Lin sa lahat ng pagdinig ng SBR , maliban sa dalawang petsang tinukoy ng komite ni Gordon. Ayon sa impormasyong nakarating sa SBR, si Lin na “stockholder” ng hindi na gumaganang Pharmally Biological Pharmaceutical Company (PBPC) na ayon sa SBR ni Gordon ay “sister company” ng PPC.
Si Rose Nono Lin ay lehitimong negosyante na pumasok sa pulitika upang maglingkod sa publiko.
Sa kanyang desisyon, binigyan ni Judge Dimaguila ng Temporary Restraining Order
(TRO) ang SBR.
Hindi pumalag at tumutol ang SBR sa desisyon ng korte.
Batay sa utos ng hukom, 20-araw ang bisa ng TRO.
Ipinag-utos ni Dimaguila na: “cease and desist from implementing the January 27, 2022 order citing the petitioner in contempt and ordering her arrest and detention at the office of the Senate sergeant-at-arms until such time that she obeys the subpoena or otherwise purges herself of that contempt…”
Pinagpiyansa si Lin ng P300,000 bilang “TRO – bond”. “Ordinarily, even in court proceedings, petitioner’s act of giving timely notice coupled with explanation and medical certificate, of her inability to attend a scheduled hearing, is given due course and accorded weight, especially so that records would show that said petitioner has been attending the past hearings and was actively participating therein,”, paliwanag ni Dimaguila.
“In the present case, it is unfortunate that the respondent BRC’s decision to cite the petitioner in contempt was swayed by its misgivings on the motives of the petitioner for not obeying its directive and the doubts of the chairman and the members of the respondent BRC on the real reason for petitioner’s failure to attend,” patuloy ng hukom. Tinumbok ni Dimaguila na “incorrect” ang desisyon ng SBR laban kay Lin.
Batay sa mga ebidensiyang ipinakita sa korte, wasto ang TRO.
“In this case, the requisites for injunctive relief are present,” saad pa sa utos.
“Since the petitioner may be deprived of her liberty when arrested, there is an urgent paramount necessity to prevent a serious damage”, birada ni Dimaguila.