POSIBLE pa rin ang brownout sa mismong araw ng halalan sa Mayo, ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Sa isang panayam, inamin ni NGCP spokesperson Cynthia Alabanza na bagama’t may sapat na suplay ng kuryente, mananatiling posibilidad pa rin ang brownout sa ilang mga lugar bunsod ng mga hindi inaasahang pangyayari. Gayunpaman, nilinaw naman ng opisyal na umaasa silang mas kaunti ang mga industriyang gagamit ng kuryente sa kanilang operasyon sa mismong araw ng halalan na una nang idineklarang pista opisyal.
“Ang kailangan lang natin maintindihan, these are all based on projections, scientific intelligent guesses ang ginagawa natin in terms of titingnan natin yung supply situation sa araw ng eleksyon,” sambit ni Albanza sa panayam.
Aniya, isa sa nakikita nilang posibleng magdulot ng kakulangan sa suplay ay ang tindi ng init na karaniwang nararanasan sa mga buwan ng Marso, Abril ay Mayo.
“So mababa yung demand, makatutulong yung mababang demand on election day to ensure yung sufficiency ng supply on that day. Ang problema din kasi is nakakadagdag yung tinding init na… nararanasan natin tuwing Mayo,” dagdag pa niya.
Hindi rin aniya maiiwasan ang mga biglaang maintenance schedule, pagtirik ng mga planta at ang sadyang pagputol ng suplay sakaling magkaroon ng sunog. “Kung walang mangyayaring forced outage or biglaang pagtirik ng mga planta, wala naman tayo sanang makikita na magiging pagnipis ng supply on those days,” saad pa ni Alabanza. “But yun nga, historically speaking, parati namang mayroong plantang naka-scheduled interruption bukod doon sa mga nakapila talaga for maintenance.”
