NAGPAHAYAG ng pagkadismaya ang isang alkalde ng lungsod sa Metro Manila bunsod ng umano’y under reporting ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa national capital region.
Giit ni San Juan Mayor Francis Zamora, ang pagbaba ng arawang bilang ng mga nagpopositibo ay bunsod lamang ng tinawag niyang underreporting.
Aniya, dapat isama sa daily COVID tally ng Department of Health (DOH) yaong mga nagpopositibo gamit ang mga antigen home test kits na boluntaryong nag self-quarantine na lamang sa kani-kanilang tahanan.
Pag-amin ni Zamora, hindi na nakakasama sa talaan ng mga local government units (LGU) tulad ng San Juan ang mga indibidwal na nagpositibong asymptomatic at mild cases.
“So, why are the numbers very low now? I believe that there was underreporting in terms of the number of cases simply because people would do home tests using antigen kits. They may not report any more to the local government. They just decide to stay home 7 to 10 days and then get better,” ani Zamora sa isang panayam.
Katunayan aniya, 99.5% ng kanilang mga aktibong mga kaso ng COVID-19 ay mild hanggang sa asymptomatic o non symptom dahil sa kanilang mataas na vaccination rate laban sa nakamamatay na karamdaman.
Mula aniya sa halos 2,000 kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar ay bumaba na ngayon sa halos 270 kaya inaasahan niyang maaaring bumaba sa susunod na ilang araw ang mga kaso sa 100 na lamang.
