“IKINALUNGKOT natin ang pagkasawi ng ating dalawang Pilipinong seafarers dahil sa missile attack ng Houthi rebels sa Gulf of Aden. Nakikiramay tayo sa kanilang naiwang pamilya. Ipinagdarasal din natin ang ibang Filipino crew members ng barkong “True Confidence” na nadamay sa atake.”
Ito ang pahayag ni OFW Partylist Representative Marissa ‘Del Mar’ Magsino.
“Ang ganitong mga trahedya ay nagpapakita ng panganib sa trabaho na kinakaharap ng ating mga marino at sa kahalagahan ng agarang pagpasa ng Magna Carta for Filipino Seafarers upang mapangalagaan ang kanilang kapakanan, pati ng kanilang pamilya sa panahon ng mga krisis. Nais natin masiguro ang ligtas at maayos na lugar ng trabaho na sumusunod sa pamantayan ng kaligtasan. Kasama na dito ang pananagutan ng ship owners sakaling may kapabayaan sa pagbaybay sa high risk areas tulad ng Gulf of Aden,” ayon pa sa mambabatas.
Sinabi ni Magsino na ipinanawagan na umano sa United Nations (UN), lalo na Security Council, na mamagitan sa pagbibigay ng seguridad sa mga barko na naglalayag sa mga rutang ito na siyang nakalaang baybayin sa pandaigdigang pangkalakalan.
“Nais lamang ng ating mga Filipino seafarers na magtrabahao at mamuhay nang mapayapa subalit damay sa mga geopolitical tensions na bumabalot sa mga bansa ng kanilang vessels o kaya rutang dinadaanan sa karagatan. Ito’y nakakalungkot na realidad na sana’y matulungang mabago ng ating mga polisiyang magpapalakas sa karapatan at kapakanan ng ating mga marino,” pahayag pa ni Magsino.
