BULILYASO ang tangkang pagpuga ng aminadong drug lord na si Kerwin Espinosa makaraang inguso ng kapwa detenido sa National Bureau of Investigation custodial facility sa lungsod ng Maynila.
Ayon kay NBI Director Eric Distor, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y planong pagtakas ni Espinosa at dalawang pang iba.
Ayon pa aniya sa impormante, pupuslit ng NBI custodial facility ang tatlong sa pamamagitan ng pagdaan sa butas kung saan nakakabit ang exhaust fan patungo sa kisame hanggang sa kabilang dulo ng air duct sa labas ng gusali.
Bunsod nito, agad naman aniya siyang naglabas ng direktiba para inspeksyunin ang tinukoy sa dadaanan nina Espisa at ng dalawa pa nitong kasama.
Dito na tumambad ang kupi-kuping exhaust fan at air duct na patunay ng tangkang pagpuga ng mga nakabilanggong personalidad.
“As soon as they received the info, they immediately acted on it without delay,” ani Distor sa isang pahayag. Gayunpaman, tiniyak ng opisyal na mas mahigpit na ang pagbabantay ng kawanihan kina Espinosa at iba pang nakapiit sa NBI custodial facility.
“In view of this incident, security measures at the jail have since been tightened with regular inspection of all jail facilities,” aniya.
Disyembre ng nakaraang taon nang ibasura ng Makati Regional Trial Court kasong isinampa laban kay Espinosa, at iba pang pinaniniwalaang mga drug dealers na sina Lovely Impal at Wu Tuan Yuan kaugnay ng iang buy-bust operation sa Makati City may ilang taon na ang nakakaraan.
3 PUMUGA SA MUNTI
Taliwas naman sa insidente sa NBI, tagumpay naman ang pagpuga ng tatlo sa apat kataong nakapiit sa New Bilibid Prison (NBP) facility sa lungsod ng Muntinlupa. Tatlong katao, kabilang ang dalawang NBP personnel at isang preso ang sugatan nang tangkain ng mga awtoridad na pigilan ang pagtakas nina Pacifico Adlawan, Arwin Bio at Drakilou Falcon na kapwa sentisiyado kaugnay ng kasong droga, robbery, homicide at murder.
Sa paunang ulat ng NBP, naganap ang pagpuga bandang 1:20 ng madaling araw kahapon.
Armado ng baril, pinutukan umano ng apat ng mga papatakas na preso ang isang NBP guard na nakaduty sa Gate 4 ng NBP Compound bago tumungo sa Gate 3 kung saan isa pang jail guard ang binaril ng mga pugante.
Hindi naman nakalayo ang ika-apat na presong hindi na pinangalan ng kawanihan nang putukan ng mga rumespondeng NBP personnel.
Hindi na inabutan pa ang sina Adlawan, Bio at Falcon na huling namataan sa kalapit na Sitio Magdaog.
Pagtitiyak ng NBP, patuloy ang kanilang pagtugis sa mga pugante.
