OPISYAL nang nagpabatid ang pamahalaang panglungsod ng Sta. Rosa sa lalawigan ng Laguna na maaari nang iparehistro ng mga magulang ang mga anak na batang kabilang sa pediatric A3 o nasa edad 5 hanggang 11 taong gulang.
Pinaghahandaan na ng naturang lungsod ang inisyal na datos ng mga bata ng mga nagnanais na mabakunahan ng kontra Covid-19 kung sakaling ipatupad ito ng Department of Health.
Bibigyan sila ng mas mababang dose ng bakuna na gawa ng Pfizer -biontech na aprubado na ng Food and Drug Administration FDA noong Disyembre 23,2021.
Kabilang sa A3 ang mga batang may comorbidities.
Samantala, mananatili pa rin sa Alert level 3 ang Laguna mula Enero 14 hanggang 31 dahil sa patuloy na pagtaas ng mga nagkakasakit ng corona virus. Mula sa pinakahuling talaan ng Department of Health Calabarzon Covid-19 Tracker nitong Enero 16, nasa 681 ang aktibong kaso ng Laguna, sumunod ang Cavite na may 246, Quezon 126, Batangas 89, Rizal, 62 at Lucena City 26.
