HINILING ng Commission on Elections (Comelec) sa mga rehistradong botante na pumirma sa peoples initiative na maaari silang pumunta sa lokal na ahensiya upang bawiin ang kanilang pirma.
Sinabi ni Comelec chair George Garcia na walang requirements na hihingin ang komisyon sa mga gustong bawiin ang kanilang pirma.
Sa panayam, sinabi ni Garcia na walang kuwestiyong hihingin ang Comelec sa mga pupuntang botante para bawiin ang kanilang pirma.
“Nung pumirma nga sila, hindi naman natin tinanong bakit sila pumirma. So sa pagwi-withdraw, so long as ito’y voluntary at hindi sila pinilit, hindi sila tinakot, ‘yan ay papayagan naman natin,” sabi nito.
“Kahit nga walang affidavit, kung pupunta lang sila sa local Comelec natin at magpapakilala, tutal may record naman kami at nandoon halimbawa ang pangalan talaga nila na may lagda doon sa signature forms, ‘yan ay papayagan natin ang withdrawal,” dagdag pa ni Garcia.
Sinabi ni Garcia na wala pang lumulutang na botante para bawiin ang pirma nito sa PI.
“Sa kasalukuyan hanggang noong Biyernes, wala pa tayong natatanggap sa anumang bahagi ng bansa na kung saan nakapangalap ng mga lagda na gusto mag-withdraw. Sabi nga natin, maganda ang ganyan kung saka sakaling meron at least mae-entertain ‘yan ng Comelec,” sabi ni Garcia.
