MARIING kinondena ni OFW Party-list Rep. Marissa ‘Del Mar’ Magsino ang pag-hijack sa isang cargo ship ng Houthi rebels kung saan kabilang ang mga Pinoy seafarer sa mga dayuhang bihag ng rebelde sa Red Sea.
Hiniling ni Magsino sa Department of Foreign Affairs at Department of Migrant Workers na masusing makipag-usap sa mga bansang nakapalibot sa lugar upang mailigtas ang Pilipinong marino.
“Bukod sa ating magiging pagbabantay sa mapayapang resolusyon sa krisis na kinakaharap ng 17 na Filipino seafarers, nais din nating malaman ang mga pangyayari sa hostage-taking at kung mayroong kapabayaang nagdulot dito. Ang pangyayaring ito ay nagpapakita ng panganib na kinakaharap ng ating mga seafarers sa kanilang trabaho at ito ang isang nais natin matulungang maresolba sa isinusulong nating Magna Carta for Seafarers. Bilang Kinatawan ng ating Overseas Filipino Workers sa Kongreso at isa sa pangunahing akda ng panukala, nais natin siguruhin ng ship owners ang karapatan ng ating mga seafarers sa ligtas na paglalakbay,” sabi ni Magsino.
“Ang insidenteng ito ay napabalitang nag-uugat sa hidwaan ng ilang bansa. Kaya’t nanawagan po tayo sa mga makapangyarihang bansa na tumulong sa mapayapang pagresolba ng insidenteng ito upang mailigtas ang mga inosenteng Pilipinong marino na nadamay sa pangyayari,” ayon pa sa kongresista.
“Sa mga kapamilya ng mga biktimang Pilipinong marino, kasama ninyo ang OFW Party List sa mataimtim na pagdarasal para sa kanilang kaligtasan. Kami ay tututok at makikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang mabigyan ng agarang aksyon ang insidenteng ito at ligtas ninyong makapiling muli ang inyong mga kapamilyang seafarers,” dagdag pa ni Magsino.
