UMAASA ang Department of Foreign Affairs (DFA) na kunin ng mga Pinoy sa Lebanon ang pagkakataon ng repatriation program habang bukas pa ang airport sa Beirut sa gitna ng tumataas na tensiyon sa pagitan ng Israel sa Hezbollah militants.
Sinabi ni DFA Undersecretary for Migrant Workers Affairs Eduardo de Vega na nakataas na ang Alert Level 3 (voluntary repatriation) sa Lebanon at inihahanda na ang repatriation ngayon pa lang.
“Hindi ibig sabihin na pinipilit naming umuwi sila. Pero parang advice ‘to na habang maaga pa lang, sana umuwi na kayo kasi maaaring umakyat ang situation at saka magka-giyera,” sabi nito.
“Nanggagaling ang Hezbollah sa south ng Lebanon, binabanatan ang Israel. Mamaya konti eh ‘yung Israel baka pati Lebanon lusubin. Hindi natin masabi kasi nangyari na ‘to noon eh,” dagdag pa nito.
Nabatid na halos araw-araw binobomba ng magkabilang panig na Hezbollah at Israel mula nang lusubin ng Hamas ang Israel noong Oktubre 7.
Mahigit sa 17,500 na Pinoy ang nakatira sa Lebanon habang 67 naman ang nakatira sa border kung saan nakadestino ang kaalyado ng Hamas na Hezbollah. “Habang maaga, habang puwede pa, madali pa — madali pa ngayon — may ticket. Madali. Bukas ang Beirut Airport, eh mataas ang tensyon, iakyat na natin sa Alert Level 3,” sabi pa ni De Vera.
Para sa iba pang impormasyon, ang mga Filipino ay maaaring makipag-ugnayan sa:
Migrant Workers Office: +961 79 110 729
ATN Hotline: +961 70 858 086
