HIGIT sa 200 Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Gaza Strip ang minonitor ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) matapos magpakawala ng sunud-sunod na rockets ang Palestinian Islamist group Hamas.
“Sa 200 OFWs dito sa affected areas sa Gaza Strip, dito tayo nakatutok,” sabi ni OWWA Administrator Arnell Ignacio.
Mahigit sa 24,800 na Filipino ang nasa Israel at karamihan sa mga ito ay mga caregiver, kasunod ang hotel workers at service sector workers.
“Sa kabuuan ng Israel, mayroong tayong mga 24,807 [na mga Pilipino]. Pero dito sa nabanggit nating area na kritikal dito sa Gaza Strip — ‘yung Ashkelon, Ashdod, Sderot, estimated natin mga 200 OFWs ang meron tayo,” ayon pa kay Ignacio.
Nakita na umano ang limang caregiver sa Gaza habang naghihintay pa ng update para sa anim na nawawala.
Wala pa ring Pinoy ang humihiling ng repatriation.
“Sa experience namin with Israel, kadalasan sa mga pangyayaring ganito, bihira ang nagre-request for repatriation. But as soon as we get a request of this nature, especially to the DFA [Department of Foreign Affairs], kaagad namang ready naman tayo, as long as ma-clear ang channels natin to repatriate,” ayon pa kay Ignacio.
Nitong Sabado, nagsagawa ang Hamas ng pinakamalaking pag-atake sa Israel sa nakalipas na 50 taon.
Inihayag na ng Philippine Embassy sa Israel ang pagsasara nito simula Oktubre 8.
