PATAY sa pananambang ang isang alkade at drayber nito, samantalang sugatan naman ang isa pang mayor na kasama nila nang tambangan ng hindi pa nakikilalang salarin sa Baliwasan Seaside sa Zamboanga City kahapon ng umaga. Hindi na umabot pang buhay sa pagamutan si Mayor Darussalam Lajid, ng bayan ng Al-Barka, Basilan, habang kritikal naman si Mayor Alih Awal Sali, ng bayan ng Akbar sa Basilan pa rin.
Patay din sa insidente ang pinsan ni Mayor Sali na si Barad Nuruddin na nagmamaneho ng sasakyang tinambangan bandang alas 8:30 ng umaga sa isang baybaying bahagi ng lungsod.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, apat na hindi pa nakikilalang salaring armado ng kalibre .45 ang nagpaulan ng bala sa sasakyan ng mga biktima.
Mabilis na tumakas ang mga salarin gamit ang isang kotse at bangkang de motor.
Agad namang nagdispatsa ng mga tauhan ang Zambonga City PNP na naglatag ng mga checkpoints habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at motibo sa pamamaslang.
