MANILA International Airport Authority (MIAA) General Manager Cesar Chiong.
INIUTOS ng Office of the Ombudsman ang preventive suspension kay Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Cesar Chiong.
Sa pahayag, sinabi ni Chiong na ang preventive suspension na may petsang Abril 28 ay inilabas matapos umano niyang ilipat sa ibang posisyon ang ilang kawani ng MIAA.
Iginiit nito na ang hakbang ay bahagi ng ginagawang pagpapabuti ng operasyon sa airport.
“The country’s main airport faces extremely difficult challenges, and we have started to implement plans and programs that aim to enhance passenger experience at our country’s main gateway,” ayon kay Chiong sa inilabas ng ABS-CBN News.
Idinagdag nito na ang kautusan ay base sa hindi kilalang nagreklamo sa umanong pang-aabuso ni Chiong sa kanyang posisyon.
Inilabas ang suspensiyon ni Chiong sa gitna ng pinakabagong krisis sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Naniniwala si Chiong na lalabas din ang katotohanan at malilinis ang kanyang pangalan.
