ISINAILALIM na sa state of calamity ang bayan ng Pola sa Oriental Mindanao dahil sa oil spill mula sa lumubog na motor tanker sa Naujan, ayon kay Mayor Jennifer Cruz.
“Kagabi lang po pinatawag ko yung mga kapitan, declaration po namin ng state of calamity na,” sabi nito sa panayam.
Sinabi ni Cruz na ang Pola ang isa sa pinakaapektado ng oil spill dahil lumubog ang Princess Empress malapit sa boundary ng Naujan.
Naging itim na umano ang mga dalampasigan at tubig at nangamatay na rin ang iba’t ibang uri ng isda.
“Talagang nangingitim na ‘yung dagat namin at ‘yung baybaying dagat namin,” sabi ni Cruz.
“Kapag umaalon makikita mo talaga ‘yung dami ng oil spill, ng langis. May mga namamatay na rin pong isda…Nalulungkot nga po kasi yung white sand namin, black sand na po,” dagdag pa ng alkalde.
Apektado na rin umano ang kabuhayan ng mga mangingisda dahil ipinagbawal na ang panghuhuli dahil sa banta sa kalusugan.
Bawal na ring maligo sa dagat.
Kinumpirma na rin ang Philippine Coast Guard na ang langis sa lugar ay mula sa lumubog na motor tanker na may lulan ng 800,000 litro ng industrial fuel at hindi lamang diesel fuel.
Lumubog ang MT Princess Empress dahil sa malalakas at malalaking alon.
Sinabi ng PCG na ang motor tanker ay lumubog sa lalim na 400 meters at masyado umano itong malalim para sa mga diver.
