MINASAKER ang isang pamilya kung saan tatlo katao ang patay habang isa naman ang kritikal matapos pagsasaksakin ng adik na lango sa ipinagbabawal na gamot sa Brgy. Congbalay, Kawit, Cavite noong Linggo.
Patay sa saksak sa dibdib at likod ang mga biktimang sina Rolando Hingada, 71; at asawa nitong si Angelita 63; anak na si Rolito 47.
Kritikal naman sa pagamutan si Roan Andres, 45, kapatid ni Rolando.
Kinilala ang suspect na si Jeraldson Villamater, alyas Butch, kapitbahay ng mga biktima.
Ayon sa ulat ng pulisya,
bandang alas 6 ng gabi nakaupo sa labas ng bahay si Rolito nang bigla na lamang pasukin ni Butch ang kanilang bahay dala ang kutsilyo.
Walang sabi-sabi ay inundayan ng saksak ang pamilya at matapos ang ilang sandali ay lumabas ito duguan na ang kutsilyong dala-dala.
Agad din na dinakip ng mga barangay officials at pulisya ang suspect.
Sa kanyang salaysay sa mga awtoridad, sinabi nito na nagawa lamang niya ang pagpatay sa kanyang kapitbahay dahil nagbigay sila ng impormasyon sa pulisya na siya ay isang adik.
Kilala ang suspek sa kanilang barangay na isang drug user at pusher ng droga.
