ARESTADO ang gunman at ang itinuro nitong mastermind sa tangkang pagpatay sa isang babaeng empleyado ng Office of the Ombudsman noong Pebrero 1.
Sa isang follow-up operation ay inaresto ang suspect na si Marlon Nery na dalawang beses bumaril sa biktimang si Diane Marasigan.
Dalawang tama ng bala sa dibdib ang tinamo ng biktima at ngayon ay nagpapagaling sa ospital.
Inaresto rin ang itinurong mastermind na kasama sa trabaho ng biktima na si Dexter Alambat Cruz.
Sinabi ni Nery na kinontak umano siya ni Cruz dahil sa sinabi nitong problema kay Marasigan. Idinagdag pa na may relasyon umano ang biktima at si Cruz at umano’y ayaw makipagkalas ni Marasigan sa suspect.
Bandang alas-8:20 ng umaga sa Quezon Avenue malapit sa kanto ng Cordillera St., Barangay Dona Josefa Quezon City ay nakita sa CCTV na naglalakad ang biktima at sinundan ni Nery. Paglingon ng biktima ay agad na itong pinaputukan ng suspect.
Kinuha ng suspect ang bag at iba pang gamit sa pagtakas. Gayunman, ayon sa pulisya, ilang metro lamang ang layo sa pinangyarihan ng krimen ay nagtanggal ng helmet ang gunman dahilan para makita ang mukha nito sa CCTV.
Sa himpilan ng pulisya, sinabi ni Nery na kinontak siya ni Cruz at nagbigay ng paunang bayad na P30,000 para itumba si Marasigan. Itinanggi ni Cruz ang paratang.
