HINDI kumbinsido si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos na namatay sa natural cause ang middleman sa Percy Lapid slay.
“I’m still not satisfied that it was natural causes,” sabi ni Marcos sa ambush interview.
“There are ways to kill a person that do not show up in the medico legal, so tuloy-tuloy pa ang imbestigasyon,” sabi pa nito.
Kinilala ang middleman na si Jun Villamor, inmate sa New Bilibid Prison.
Unang iniulat ng Bureau of Corrections (BuCor) na walang senyales ng physical injuries na indikasyon na natural cause o walang foul play sa pagkamatay ni Villamor.
Magsasagawa naman ang kilalang forensic pathologist Dr. Raquel Fortun ng ikalawang awtopsiya sa bangkay ni Villamor.
Binaril at pinatay si Lapid, o Percival Mabasa habang pauwi sa kanyang bahay sa Las Pinas City noong Oktubre 3.
Iniulat naman ang pagkamatay ni Jun Villamor o Cristito Villamor Palaña noong Oktubre 20.
Ito rin ang araw na sumuko ang umamin na gunman na si Joel Escorial.
Si Escorial din ang nagbunyag na isang middleman ang kumontak sa kanya mula sa Bilibid para itumba si Lapid.
Lifestyle check kay Bantag
Isa sa 160 personalidad na iniimbetigahan ng pulisya ang sinibak na Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag.
Ngayong Miyerkoles ay nagsabi ito na handa siyang sumailalim sa lifestyle check sa gitna ng imbestigasyon sa Lapid slay.
“Opo, kung ‘yun po ang hinihingi eh di ‘yun po ang ibibigay natin,” sabi ni Bantag sa interview sa radyo.
Sinabi rin ni Bantag na hindi nakipagkoordinasyon ang PNP sa BuCor tungkol kay Villamor. Lumapit lamang ang mga ito para itanong kung mayroong inmate na Villamor sa New Bilibid Prison.
Unang kinilala ang Jun Villamor na isang Crisanto Villamor. Sinabi naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na si Villamor ay may iba’t ibang pangalan sa iba’t ibang records ng gobyerno.
“Hindi po ‘yun ang coordination. Hindi po coordination yun. Nagve-verify lang sila kung mayroong Villamor, Crisanto Villamor,” sabi ni Bantag.
Itinanggi rin ni Bantag na marami siyang sasakyan tunlad ng akusasyon ni Lapid kahit hindi direktang binanggit ang kanyang pangalan.
“Alam niyo hindi naman niya minention yun pero alam ko ako rin ang mine-mention niya doon dahil doon ako nakatira sa pinakitang yun at yung mga sasakyan na yun,” ayon pa kay Bantag.
