
MATAPOS ang apat na buwan sa panunungkulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.,, tila tuluyan nang nabaon sa limot ang kontrobersiya hinggil sa mga pekeng appointments na hindi umano’y lumabas mula sa Palasyo.
Nakababahalang wala yatang kinahantungan ang ikinasang pagsisiyasat ng National Bureau of Investigation (NBI) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na na kapwa inatasan mismo ng Pangulo na magsiyasat, kumilala at magsampa ng kaukulang asunto laban sa mga sangkot sa naturang bulilyaso.
Bagamat malinaw na may bulilyaso batay sa mga hawak na dokumentong pinalalabas na galing sa Palasyo, hindi ganun kasimple ang imbestigasyon. Una, hindi mga ordinaryong tao ang masasagasaan – sila yung mga may pera at impluwensyang sa isang hudyat kayang-kaya magdulot ng perwisyo. Gayunpaman, dapat lamang na tumalima ang NBI dahil hindi naman sila ang tatamaan ng sisi at pangungutya, kundi ang mismong Pangulo.
Ang masaklap, hindi pa pala natapos sa pekeng appointment ng isang Atty. Abraham Espejo sa Bureau of Immigration (BI) ang diskarteng malupit ng isang grupong tila naniningil sa suportang ibigay kay Marcos noong siya’y kandidato pa lang.
Isa rin sa sinisilip ngayon ay ang kaduda-dudang dokumento sa pagtatalaga sa isang tanggapan sa ilalim ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD). Kabilang sa maingat na sinusuri ng mga eksperto ang pirma ng appointing authority at ang presidential seal na ginamit sa mga naturang dokumento.
Hindi naman ako eksperto sa larangan ng forensics, pero sa mata ng isang ordinaryong Pilipino, talaga namang malaki ang pagkakaiba ng pirma ni Marcos Jr. sa limang iba pang dokumento kumpara sa appointment paper na nagsilbing tuntungan ng isang dating opisyal ng gobyerno sa ilalim ng termino ni dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Kapansin-pansin na merong numero 7 sa gawing ilalim sa limang dokumentong nilagdaan ng Pangulo sa harap ng maraming tao. Pero ang appointment paper para tanggapang nasa ilalim ng DHSUD, walang numero 7. Kapuna-puna rin ang presidential seal sa naturang dokumento – parang ginamitan lang ng photoshop, isang makabagong web app na tampok sa Google Store.
Sana naman, bigyang linaw na ng NBI at CIDG ang usapin sa mga pekeng appointment na yan lalo pa’t hindi biro ang naturang bulilyaso.
Sa ganang akin, di dapat palampasin yan. Baka dahil sa mga henyo sa larangan ng pekeng lagda at photoshop, mapahamak pa si Marcos Jr. na iniluklok ng 31 milyong Pilipino. Huwag sana natin kalimutang may mga lihim na nag-iinteres at nagpaplanong ipahiya – kundi man pabagsakin ang Pangulo.
