ARESTADO ang character actor na si Dindo — Conrado Manuel Ambrosio II sa totoong buhay —Martes ng gabi, September 20, 2022, sa Barangay Biñan, Biñan City, Laguna, ayon sa entertainment news portal na Pep.ph.
Ito ay dahil sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Rosauro Angelito Sicat David, Presiding Judge ng Regional Trial Court, Branch 101, Santa Rosa City, Laguna.
Nahaharap si Dindo sa dalawang (2) counts ng kasong RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 at may piyansang inirekomenda na nagkakahalaga ng PHP10,000 bawat kaso.
Kasalukuyang nakapiit si Dindo sa kustodiya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ng Biñan City.
Ayon pa sa pahayag ni Police Colonel Randy Glenn G. Silvio, Officer-In-Charge ng Laguna Provincial Police Office (Laguna PPO), “Sa pagkaaresto ng akusado ipinapakita lamang na walang pinipili ang ating batas.”
Hindi idinetalye sa pahayag ni Silvio kung sino ang nagsampa ng demanda ni Dindo at kung ano ang sinabi nito kaya’t kinasuhan.
Nakipag-ugnayan ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa Chief of Police ng Binan, Laguna na si PLTCOL Virgilio M. Jopia upang humingi ng ibang detalye, ngunit wala pa silang tugon sa amin.
Wala pang pahayag ang kampo ni Dindo kaugnay ng pagkakaaresto ng aktor.
