
NAPATAY sa bugbog ng apo ang isang 81-anyos na lolo sa Sta. Ana, Maynila.
Ayon sa pulisya, nagtamo ng mga sugat sa ulo at mukha ang biktimang si Jesus Rivera Sr.
Isinugod ito sa pagamutan ngunit namatay din kinalaunan.
Ayon sa report, kinompronta umano ng ng apo na si Reymart Tanghal, 27, ang biktima sa kanilang bahay dahil sa away-pamilya.
“Lumabas itong lolo at nagwawala sa labas ng bahay. Nagsasalita, nagmumura doon. Lumabas itong apo niya at sunud-sunod na sinuntok itong lolo. Bumagsak ito,” ayon kay Manila Police spokesperson Police Major Philipp Ines.
Kahit na lugmok na ang biktima ay hindi pa rin ito tinantanan ng suspect.
“Nang bumagsak, tumayo [ang lolo]. Tinulak [ng suspect], tumama ang head sa matigas na bagay at kahit nahimatay na ‘yung lolo, tuluy-tuloy pa rin na ginawa niya ‘yun,” ayon pa kay Ines.
Nabatid na ang suspect ay kilalang drug addict sa lugar at hindi umano ito ang unang pagkakataon na sinaktan nito ang kanyang lolo.
“Masakit talaga. Hindi po namin matanggap, lalong lalo na pamangkin ko ‘yun. Anak ng ate ko. Pero, pakukulong namin siya habang maaga. Batotoy, sumuko ka na. Baka saan ka pa mapunta,” ayon sa anak ng biktima.
Patuloy na pinaghahanap ng mga pulis ang suspect at kakasuhan ito ng parricide.