
Photo courtesy: DCPO/ Ry Llanes
LIMA katao ang nasawi nang gumuho ang itinatayong tulay sa Sitio Kibakak, Brgy. Malamba, Marilog District, Davao City, Lunes ng hapon.
Ayon kay Dario Dispo, 42, foreman, ng Bojus Sun Builders & Supply Corporation, ang pagguho ay nangyari 3:30 ng hapon habang ang pitong manggagawa ay naglalagay ng side panel ng tulay, gamit ang isang boom truck sa gitna ng istraktura.
Ngunit biglang bumigay ang tulay at bumagsak sa ilog kasama ang pitong manggagawa na nagtatrabaho sa site.
Dalawa sa mga manggagawa ang agad namatay na kinilalang sina Jay Bangonan, 22, mason, at Rolando Abing, 40, trabahador.
Ngayong umaga kinumpirma ni DCPO spokesperson PCapt. Hazel Tuazon na namatay din ang mga na trap sa gumuhong tulay na sina Cris Napao, 44, mason, mula sa Balusong, Matina, Davao City, Jimboy Liga, 28, single boom truck operator, ng Pagan Grande, Davao City, at Elmer Sayson, 44, foreman, mula sa Banay-Banay, Davao Oriental.
Ginagamot naman ngayon sa Souther Philippines Medical Center ang dalawang manggagawang malubhang nasugatan sa aksidente na kinilalang sina Meljay Bero at Jonathan Dispo.