
MADALING araw ng Sabado nang magulantang ang mga residente sa sunog na sumiklab sa barangay San Juan at West Habog-habog sa Molo district, Iloilo City.
Tumagal ng ilang oras ang sunog na lumamon sa halos 300 kabahayan.
Hindi pa batid ang sanhi ng sunog na sinasabing pinakamalaki na sa pagpasok ng bagong taon, ayon sa Iloilo City Social Welfare Development Office.
Sa video na ibinahagi ni Jonna Mae Diño, mapapanood ang paglamon ng malaking apoy sa mga bahay sa lugar. Kaniya-kaniyang hakot din ang mga residente ng kanilang mga gamit.
Ayon sa imbestigasyon ng Iloilo City Fire Station, mabilis na kumalat ang sunog sa dalawang barangay dahil karamihan sa mga bahay ay gawa sa light materials.
Patuloy pa ang imbestigasyon para matukoy ang sanhi at halaga ng mga napinsalang ari-arian.
Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente.