
DALAWANG sundalo ang namatay habang apat na kasamahan ang sugatan nang tamaan ng kidlat sa Lubuagan, Kalinga noong Linggo, May 12.
Ang mga nasawi ay kinilala ng 5th Infantry Division Philippine Army na sina Corporal Andrew Monterubio mula Gamu, Isabela at Private First Class Inmongog Aronchay mula Sadanga, Mountain Province.
Ayon sa report, nagsasagawa ng security operations o pagtugis sa mga rebelde sa boundary ng Western Uma, Lubuagan at Balatoc, Pasil ang tropa ng 54th Infantry Battalion nang abutan sila ng masamang panahon.
Hindi inaasahan na tumama rin ang kidlat kung saan napuruhan ang dalawang sundalo.
Patuloy naman ginagamot ang apat pang sundalong sugatan.
Ikinalungkot ng pamunuan ng 5th Infantry Division Philippine Army ang sinapit ng mga sundalo at agad nagpaabot ng pakikiramay.
Naibaba na mula sa bundok ang mga labi ng nasawing sundalo na dadalhin sa kani-kanilang lugar.