MetroSunDaily

REAL NEWS * REAL TIME

Walang umay sa ahensyang pabahay

Ni Juan Antonio Fidel

NANG nangusap ang Pangulo sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA), malinaw ang kanyang plataporma de gobyerno – sapat at abot-kayang pagkain, murang enerhiya, masigasig na agrikultura, kalusugan, kaalaman, kabuhayan, kaligtasan at disenteng tahanan.

Sa usapin ng pabahay, ipinagkatiwala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Jose Acuzar ang Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD).

Walang problema kay Acuzar na may sapat na kakayahan at angking husay sa larangan ng real estate, lalo pa’t yan mismo ang kanyang negosyo noong panahong siya’y bahagi pa ng pribadong sektor. Hindi lingid sa kaalaman ng Pangulo ang dambuhalang problemang dulot ng kapalpakan (mas angkop yata kung katakawan) ng dating tagapangasiwa ng National Housing Authority (NHA). Itago muna natin siya sa pangalang Ji-Em.

Akala siguro ni Ji-Em (na may ranggong heneral sa larangan ng kasibaan), mapaglalalangan niya ang Pangulo. Ang target niyang bumalik sa pwesto, paniguradong mapipindeho. Ang kailangan ng Pangulo, may kakayahang isakatuparan ang programang pabahay para sa mga pamilyang Pilipino.

Aysus… wala nga siyang nagawa nang literal na sakupin ng militanteng hanay ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang mga ipinatayong pabahay sa bayan ng Pandi sa lalawigan ng Bulacan sukdulang malagay sa kahihiyan ang pamahalaan.

Nagmukha rin siyang tanga nang tanggihan ng mga pulis at sundalo ang pabahay na ipinatayo ng ahensya para lang sana sa kanila. Bakit kamo? Sino ba naman kasi ang papayag magbayad buwan-buwan para sa isang dispalinghadong housing unit? Paglalarawan nila, parang bahay lang ng kalapati, yun bang pwedeng gumuho sa hampas ng isang malakas na hangin.

Ano ba ang kwento sa likod ng mga NHA housing projects sa nakalipas na anim na taon? Kwento ng isang Insider, kinultaban ng tumataginting na 40% advanced SOP ni Ji-Em ang mga kontratista. Sa laki na SOP, tanging paraan na lang nila para mabawi man lang ang puhunan ay tipirin ang materyales ng pabahay.

Gayunpaman, ang dating amuyong bigtime na ngayon. Katunayan, kinailangan pa niyang bumili ng isang malaking lupa sa Pampanga kung saan nagpatayo ng malaking garahe para nga naman may garahe ang kanyang mga sports cars.

Ang masaklap, wala rin gusting tumanggap ng kanyang iniwanang pwesto. Hirit ng itinalagang OIC nang alukin maging punong tagapangasiwa – “Iba na lang wag na ko. Hindi kaya ng powers ko ang iniwang problema dito.”

Aniya, baon hanggang leeg sa utang ang naturang ahensya. Ang pondo ng NHA, naubos lang nang walang kinahinatnan, at nag-iwan pa ng mahigit P8 bilyong obligasyon sa mga kontratistang nakuhanan ng bonggang ganansya. Heto pa, ang kumag na si Ji-Em, namamadrino pa kay Acuzar para ibalik siya sa NHA. Susmaryosep! Pati ba naman yung P1.3 bilyong natirang pondo sa NHA, puntirya pa rin niya?

Find this content useful? Share it with your friends!