Ni Fernan Angeles
TALIWAS sa probisyon ng 1987 Constitution, ikalimang sunod na termino ang target ng nakaupong alkalde ng bayan ng Orion sa lalawigan ng Bataan.
Pero ang katunggali sa halalan, walang planong maghain ng disqualification case sa Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay Elcid Gervacio na naghain ng kandidatura para sa posisyon ng alkalde, mas gugustuhin niyang talunin sa isang halalan si reelectionist Orion Mayor Tony Pep Raymundo, sa kabila ng probisyong nagtatakda ng limitasyon sa termino ng mga lokal na opisyales ng pamahalaan.
“Hindi ko hahabulin si Tony Pep Raymundo sa kanyang kwestionableng pagtakbo para sa pang limang term niya bilang mayor. Ang tanging hangad ko, ilagay sa ayos ang bayan ng Orion,” wika ni Gervacio sa isang panayam.
Pag-amin ng bagitong politiko, hindi magiging madali ang pinasok na laban lalo pa aniya’t kumpleto sa makinarya ang makakasagupa sa araw ng halalan.
Gayunpaman, iba ang paniwala ng ilan sa mga residente mula sa naturang bayan. Anila, panahon na para isang taong nagmula sa pagiging dukha ang mamuno sa naturang bayan.
“Magaling si Cid, pinag uusapan siya dito sa Orion. Alam niya ang pakiramdam ng mga maralitang tulad namin. Galing siya dun… nagsumikap para umasenso at nang yumaman, hindi kami kinalimutan sa panahong higit kaming nangangailangan,” pahayag sa isa sa mga residenteng tinulungan ni Gervacio sa kasagsagan ng pandemya.
“Noong mga panahon na yun, marami sa tunay na mahirap tulad namin na pinagkaitan ng ayuda. Katwiran nila, wala kami sa listahan. Bakit ngayon feeling close na si mayor sa amin?”
Wala pang pahayag si Raymundo kaugnay ng patutsada ng mga residente ng Orion. Gayunpaman, nilinaw ng ilang malapit sa alkalde na ginamit na batayan ni Raymundo sa paghahain ng kandidatura para sa ikalimang walang putol na termino ang suspensyon na ipinataw ng Ombudsman sa noong Oktubre 2017, ang “legal opinion” ni pirmado ni former Presidential Legal Counsel Salvador Panelo. Sa naturang dokumento, sinabi ni Panelo na kwalipikado pa si Raymundo tumakbo para sa ikaapat na sunod ng termino.
Sa ilalim ng Section 8, Article X ng 1987 Constitution — “No local elective official shall serve for more than three consecutive terms in the same position. Voluntary renunciation of the office for any length of time shall not be considered as an interruption in the continuity of service for the full term.”