HINDI na nakapalag ang dating vice mayor ng Valenzuela City nang arestuhin sa loob ng
coffee shop sa Quezon City matapos ireklamo ng estafa ng isang foreigner dahil sa airport project na hindi natupad.
Sa entrapment operation, arestado si dating vice mayor Evelyn ‘Jing’ Hernandez.
Inireklamo sya ng biktimang British national na si Georgious Andreas na nagsabing umabot sa P14 milyong investment ang nakuha sa kanya ng suspect.
Inalok umano ang biktima ni Hernandez na magpondo sa raw materials na gagamitin sa pagpapagawa ng airport sa Bulacan.
Sinabi ng National Bureau of Investigation-Anti Organized and Transnational Crimes Division na inalok ni Hernandez si Andreas at nangako ng P100 milyong balik ng pondo sa loob ng limang taon. Nagsabi rin ang suspect na may koneksiyon siya sa loob ng San Miguel Corporation at BM Logistics Inc.
Gayunman, natuklasan na walang kontak o kontratang hawak ang suspect mula sa naturang mga kompanya. Noong 2021 pa umano nagsimulang magbigay ng pondo ang biktima sa suspect.
Nang magtanong na ang biktima at magduda, inalok siyang muli ni Hernandez ng isa pang proyekto sa Cebu.
Dito na nagtungo ang biktima sa NBI at ikinasa ang entrapment operation.
Pinainan ang suspect ng P50,000 at nang tanggapin ang marked money ay sinunggaban na sya ng mga ahente ng NBI.
Sa kanyang panig, sinabi ni Hernandez na siya man ay investor din at naantala lamang ang proyektong iniaalok nya.
Kasong estafa at paglabag sa Securities regulation ang isasampa laban kay Hernandez.
Dati na rin umanong inaresto si Hernandez sa kasong anti-bouncing check law at nakalaya lamang matapos makapagpiyansa.