

SA gitna ng mga pagdinig ng Kamara hinggil sa mga ipinupukol na bulilyaso ng dating bida sa Palasyo, marami ang tumindig para magsabi ng totoo.
Pero dahil sa umiiral na demokrasya, angkop lang na bigyan ng pagkakataon ang sinuman – kesehodang dating pangulo, bilanggo, o istambay sa kanto dahil yan ang nararapat sa isang patas na lipunan.
Sa sitwasyon ni former president Rodrigo Duterte na kinaladkad sa usapin ng kalakalan ng droga, illegal POGO at mawakang patayan sa anim na taon niyang termino bilang Pangulo, batid niya ang dapat niyang gawin lalo pa’t hindi siya ordinaryong politiko – isa siyang mahusay na abogado.
Bilang abogado, dapat alam niya na kailangan niyang humarap sa Kamara para magbigay-linaw o pabulaanan ang mahabang talaan ng mabigat na alegasyon… mula sa korapsyon, kataksilan, patayan, katiwalian at iba pa. Gayunpaman, limitado lang ang pwede niyang salagin sa pagdinig ng quad committee ng Kamara.
Ang siste, wala naman planong sumipot si Duterte na mas kilala sa matapang na talumpati noong siya pa ang bida sa Palasyo – malutong na mura sa kalaban sa pulitika at mapangahas na hamon sa mga nais magdemanda kaugnay ng kanyang giyera kontra droga. Hindi nga ba’t minsan na rin niyang hinamon ng duelo ang isang komentarista sa radyo na bumira sa kanyang pagkatao?
Sa harap ng kamera, katangi-tangi ang tapang ni Duterte sa kanyang utos sa mga pulis na patayin ang mga sangkot sa kalakalan ng droga.
Kill, kill, kill wika niya sa tuwing lalabas sa telebisyon. Pero bakit ngayon parang nawala ang angas ng dating Pangulo?
Ika nga ni Pilosopong Tasyo – wala kang dapat ikatakot kung wala kang kasalanan.
Sa pagtanggi ni Duterte sumipot sa alinmang pagdinig ng quad committee ng Kamara na nag-iimbestiga sa kalakalan ng droga, illegal POGO at extrajudicial killings na naganap sa nakalipas na administrasyon, marami marahil ang naglalaro sa isip ng mga Pilipino.
Ayon mismo sa kanyang amuyong na isa rin abogado, ayaw ni Duterte patulan ang mga paratang laban sa kanya.
Katwiran umano ng dating pangulo, pawang tsismis lang ang mga alegasyon.
Susmaryosep!
Kung sa tingin niya’y tsismis lang ang mga isyu laban sa kanya, ano kaya ang kinakatakutan ng isang dekampanilyang abogado at dating piskal na tulad niya? Takot ba siyang biglang tumuga si Cassandra Li Ong (na nasa kustodiya ng Kamara) tungkol sa usapin ng illegal POGO?
Wala na ang angas ni Duterte. Pati yata yagbols umurong na rin.