

SA napipintong pagbabalik-Senado ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano, marami ang diskumpyado.
Karapat-dapat nga ba siyang manungkulan? Dangan naman kasi, hanggang ngayon, di pa tapos ang liquidation sa ginamit niyang pondo para sa 2019 South East Asian Games.
Bilang pagbabalik-tanaw, Pinas ang host sa naturang palarong gingawa kada dalawang taon sa hanay ng mga bansa sa timog-silangang Asya.
Sa kumpas ni Cayetano bilang chairman ng Philippine SEA Games Organizing Committee (Phisgoc), pinangasiwaan ang palaro gamit ang P6-bilyong pondo ng Philippine Sports Committee (PSC). Sadyang mahirap mangasiwa ng malaking palaro tulad ng SEA Games — paghahanda ng pagdarausan, pagsasanay ng mga atleta natin, uniporme nila, tutuluyan ng mga banyagang panauhin, gastos na kalakip ng pag-eere ng mahigit 500 paligsahan para sa 56 uri ng sports, talent fees, mga pulong sa mamahaling hotel at iba pang pasok sa kategorya ng “operating expenses.”
Lusot na sana kundi lang sa Commission on Audit (COA). Tama, sumabit sa liquidation ang Phisgoc na pinamunuan ni Cayetano.
Ang totoo, di naman talaga kayang tutukan mag-isa ni Cayetano ang lahat ng aspeto ng palaro, lalo pa’t Kalihim pa siya ng Department of Foreign Affairs (DFA) na wala ni katiting na mandato sa larangan ng sports.
Dito na umeksena ang alaga niyang ninja – tawagin natin siyang Donatello. Walang dudang may tiwala si Cayetano kay Donatello. Katunayan, sa kanya ipinagkatiwala ang pagkumpas sa daang milyong pisong bahagi ng kabuuang pondo para sa 2019 SEA Games. Ang hotel na tutuluyan ng mga delegado, uniporme, sapatos, pagkain, mga gamot at press kits para sa mga local at international sportswriters. Dito na nabulilyaso.
Bakit kamo? Walang nailabas na mga resibo si Donatello bilang patunay ng mga pinagkagastusan. Wag naman nating isisi lahat kay Donatello – na ang tanging kasalanan tumalima sa utos ng kanyang amo. May mga natuluyan (siksikan nga lang) naman ang mga atleta pagkatapos ng mahabang paghihintay sa paliparan.
May mga pagkain naman, hindi nga lang angkop para sa mga manlalaro, may mga uniporme din, pero ang ilan sa mga supplier, di pa nababayaran. Gamot ba kamo?
Generic lang kaatalo na! At ang press kits… susmaryosep, ayon sa mga nagcover na journo.
Tinipid ng todo-todo ni Donatello ang pondo, marahil sa hangaring magkamal ng husto. Ang ending – si Cayetano ang nabulilyaso.
Sa puntong ito, hindi kaya angkop lang na barakuhin na muna ni Cayetano ang kanyang alagang si Donatello na ibalik ang pondo kung di rin lang kayang patunayang naaayon sa batas ang paggamit ng pinakawalang pondo?
Sana magkusang loob muna si Cayetano na maghain ng “leave” hanggang hindi pa naili-liquidate ng tutang si Donatello ang bawat sentimo ng naturang pondo. Asan si Donatello? PM is the key!