

SA kasaysayan ng pulitika sa Pilipinas, isa marahil sa mga pinaka makulay – kung hindi man pinaka kontrobersyal – ay ang nalalapit na halalan sa Mayo ng susunod na taon. Naging kapanapanabik ang bawat bitaw ng mga aspirante sa posisyon ng Pangulo – kabi-kabilang pangako, palitan ng patutsada at mga pagsisiwalat na lubhang mahalaga sa mga botanteng pipili ng susunod Presidente.
Kung tutuusin, hindi na bago ang ganitong kalakaran, maliban sa isang bagay – ang pagsabak ni Ret. General Antonio Parlade, na lubhang ikinagulat ng administrasyong Duterte. Noong aktibo pa sa serbisyo, bihirang magbitaw ng salita ang retiradong heneral na minsan nagsilbing tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), nasundan pa nang italaga sa sensitibong pwesto – sa National Security Council. Ang kanyang bawat bitaw, lumilikha ng ingay sukdulang ikawindang ng lipunan.
Kamakailan lang, nagpatutsada ang kinatatakutan ng mga komunista laban naman kay Senador Bong Go na aspirante sa inaasam na pwesto sa Palasyo. Aniya, sadyang maimpluwensya ang bawat bulong ni Go sa Pangulo, kaya naman tayo nasadlak sa malaking sakit ng ulo, bagay na batid umano ng bawat sundalong sumumpang protektahan ang mga mamamayang Pilipino. Sa tinuran ni Parlade, nawindang ang Palasyo.
Dangan naman kasi ang tinaguriang paborito ng Pangulo, di naman pala ang “chosen one.” Sa pitak ng batikang peryodistang si Mauro Gia Samonte, minsan niyang sinabing nakagawian ng Pangulo ang pagpili ng karapat-dapat na magmana ng pwesto sa Palasyo – pero hindi si Go kundi si Parlade, base sa kanyang pagsasaliksik sa kasaysayang naglalahad ng pag-upo ng isang mula sa Tanggulang Pambansa sa Palasyo sa tuwing ikalimang Pangulo.
Ayon kay Ka Mauro, si Heneral Emilio Aguinaldo Aguinaldo ang una, kasunod sina Ramon Magsaysay at Fidel Ramos na kapwa nagsilbing Kalihim ng Department of National Defense (DND) bago naging Pangulo. Sa mga aspirante sa Mayo, tanging si Parlade ang mula sa hanay ng militar, bagay na ayon kay Samonte ay pwedeng tadhana ni Parlade na aniya’y tanging solusyon sa insureksyon.
Sa puntong ito, mapapaisip ka na lang, si Parlade nga ba ang babasbasan ni Duterte sa pag-atras ni Go? Eh paano na ang nangunguna sa mga political survey na si dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos? Tadhana nga ba o nagkataon lang?