NANAWAGAN ang Games and Amusements Board (GAB) sa mga politikong kalahok sa nalalapit na halalan sa Mayo na iwasan munang dumalo, sumakay o kahit makisawsaw man lamang sa mga paliga o koponang pasok sa professional leagues sa panahon ng halalan.
Giit ni GAB chairman Abraham Mitra, hindi angkop na gamiting entablado sa pangangampanya ang pro league na saklaw ng kanilang ahensya.
Sa kanyang memorandum, binalaan din ni Mitra ang mga promoters, organizers, team owners, managers at mga atletang nasa ilalim ng pangangasiwa ng GAB, na kanilang kakastiguhin ang sinumang lalabag sa panuntunang, ayon sa kanya, ay tugon sa Commission on Election (Comelec) rules.
“The GAB enjoins all the GAB-sanctioned professional sports leagues, including the league organizers, promoters, managers, teams, professional athletes, and other officials, to strictly comply with the following election-related laws and directives,” aniya.
Hindi man direktang tinukoy, paniwala ng mga kilalang haligi sa larangan ng sports na target ng nasabing memorandum si presidential aspirant Manny Pacquiao na nagmamay-ari nhg isa sa mga pinakamalaking professional basketball league sa bansa – ang Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) na nakatakdang magbukas sa Marso 23 ng paligang lalahukan ng 12 koponang kumakatawan sa kani-kanilang lokalidad.
“Malinaw po ang regulasyon sa batas ng Comelec. Kung magpapatuloy sila at babalewalain ang ating memo, lalabag sila at mananagot sila sa pamahalaan,” diin pa ni Mitra.
