SA hudyat ng Inter Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), mas pinalawak pa ng pamahalaan ang pagluluwag sa mga panuntunan sa kabila pa ng patuloy na banta ng nakamamatay ng COVID-19. Giit ng gobyerno, kailangan nang umusad ang ekonomiyang sukdulang nalugmok bunsod ng pagkakahimpil ng negosyo, empleyo, transportasyon, turismo at iba pang pinagmumulan ng buwis na siyang ginagamit ng pamahalaan sa mga programa at proyekto.
Gayunpaman, tila nakaligtaan ng IATF na libo pa rin ang bilang ng mga Pilipinong nagpopositibo kada araw – mga taong posibleng nakahawa pa ng iba pang nakasalamuha nito bago pa man lumabas ang resultang sila’y mga positibo.
Ang papalapit na Pasko ay karaniwang dinudumog ng mga taong hanap ay bumili ng mga murang pangregalo, mamasyal kasama ang pamilya at barkada tulad ng nakagawian bago pa dumating ang pandemya, maglamyerda, at iba pang kinasabikang gawin matapos ang mahabang panahong inilagi sa kani-kanilang tahanan.
Bagama’t bumababa na ang arawang bilang ng mga naitatalang kaso ng mga nahawaan ng COVID-19, hindi dapat iwaglit ang tinatawag na reproduction rate o ang kakayahan ng isang kumpirmadong positibo na makahawa pa sa iba.
Sa paliwanag ng Department of Health (DOH), ang mga mabagsik na COVID-19 variants ay posibleng makahawa sa walo hanggang 11 taong nakasalamuha ng walang kamalay-malay ng “host” ng nakamamatay na karamdaman.
Sa madaling salita, posibleng naipasa rin ng halos 2,000 positibo (batay sa pinakahuling COVID-19 update ng DOH) ang nakamamatay na virus sa mas marami pang indibidwal na hindi pa rin naman natunton ng mga contact tracers ng pamahalaan – at malamang nakikihalubilo sa mga pamilihan, pasyalan, paaralan at iba pang lugar na dinudumog ng mas maraming tao. Walang dudang kailangan ng Pilipinas ang agarang solusyon sa pagkakalugmok ng ekonomiya ng bansa.
Subalit kailangan pang ilagay sa peligro ang publiko sa hangaring makalikom ng pondo ang gobyerno?
Kapansin-pansin sa pasya ng IATF ang pagbibigay luwag sa mga rehiyon, lalawigan at lungsod na may mataas na populasyon, bagay na tila nakababahala at posibleng magsilbing mitsa ng muling pagbulusok ng arawang bilang ng mga kumpirmadong kaso.
Ang tanong – gaano karami na bang Pilipino ang bakunado? Sa pinakahuling bilang, ni wala pa sa kalahati ng target ng gobyerno.