DISMAYADO si Rep. Marissa “Del Mar” Magsino ng OFW Party List sa pagbaba ng budget ng Department of Migrant Workers (DMW) sa taong 2025.
Sa budget deliberation ng nasabing ahensya at ng mga attached agencies nito, kabilang na ang Overseas Workers Welfare and Administration, inusisa ni Magsino kung bakit bumaba ang appropriations ng DMW para sa susunod na taon sa kabila ng pagdami ng Overseas Filipino Workers na deployed sa ibang bansa.
Noong 2023, P5 bilyong pondo ang ibinigay sa DMW sa transition period nito patungo sa ganap na operasyon. Ngayong 2024, tumaas ang budget ng DMW sa P7.52 bilyon na katumbas ng 33.6% na pag-angat. Subalit, ikinalulungkot ni Magsino na bumaba ito sa P5.09 bilyon para sa 2025, na katumbas ng 32.4% na pagbaba.
“Parang binawi lamang ang naitalang pagtaas ng pondo noong 2024. Nakalulungkot isipin na sa halip na mas palakasin pa ang DMW upang matugunan ang lumalaking bilang ng mga OFW na nade-deploy sa iba’t ibang panig ng mundo, mukhang pinapahina pa ito sa pamamagitan ng malaking bawas sa budget. Sa kasalukuyan, patuloy ang pagdami ng ating mga kababayan na nangingibang-bansa upang magtrabaho, at kasabay nito, dumarami rin ang kanilang pangangailangan para sa suporta at proteksyon mula sa ating pamahalaan,”ani Magsino.
Ibinahagi ng kinatawan ng OFW Party List ang kanyang pangamba na maraming serbisyo at programa ng DMW ang posibleng maapektuhan dahil sa pagbawas ng pondo nito.
Kabilang na rito ang pangangailangan ng pagtatayo ng mga Migrant Workers Offices (MWOs) sa mga foreign posts na matagal nang walang representasyon para sa ating mga OFW, lalo na sa mga umuusbong na labor markets.
Kaugnay ng kasalukuyang sitwasyon ng mga MWO, ibinahagi ni Magsino ang kanyang obserbasyon sa mga pagbisita niya sa mga host countries tulad ng Singapore, Saudi Arabia, at UAE. Napansin niya ang kakulangan sa manpower sa mga MWO, gayong daan-daang libo ang ating mga OFW sa bawat host country.
“Bilang halimbawa, sa Singapore, mayroon lamang silang apat na plantilla items at pitong local hires para sa halos 200,000 na OFWs sa Singapore. Sa kasalukuyang manpower, ang ratio ng MWO staff sa ating mga OFW ay 1:18,000. Kung ganito kaunti ang mga plantilla items na bibinigay sa DMW para gampanan ang kanilang tungkulin para sa ating mga OFW, kabilang na ang Assistance to National functions, talagang mapipilay ang DMW sa pagtalima sa kanilang madato lalo na at alam natin na kumplikado ang mga suliraning kinakaharap ng ating mga OFW sa mga bansang pinagtatrabahuhan nila.” komento ni Rep. Magsino.
Sa patuloy na pakikibaka ng ahensya para kapakanan ng mga OFWs, ipinahayag ni Rep. Magsino ang kaniyang buong suporta sa Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at nanawagan sa mga mambabatas na dagdagan ang pondo ng ahensya.
“Sa nakalipas at kasalukuyang taon, nakita ng OFW Party List ang pagsisikap ng DMW at OWWA sa pagbibigay ng tulong sa mga OFWs, kabilang ang financial at legal assistance, repatriation, at suporta sa kanilang mga pamilya. Muli, nananawagan ako sa Kongreso na dagdagan pa ang pondo ng DMW. Ang karagdagang pondo ay simbolo ng ating suporta sa mahigit 6 na milyong OFWs. Ito ay maliit na halaga kumpara sa 37.2 bilyong US dollars o halos 2.75 trillion pesos na kanilang kontribusyon sa ating ekonomiya. Ipakita natin ang ating pagkalinga sa pamamagitan ng mas malaking pondo para sa DMW,” saad ni Magsino.