ISANG volunteer teacher sa mga batang Lumad ang isa umano sa mga nasawi sa bakbakan sa pagitan ng militar sa Davao region.
Apat iba pa ang namatay nang makipagbakbakan sa tropa ng Army ang sinasabing rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Davao de Oro province madaling araw ng Huwebes.
Ayon sa report ng 10th Infantry Division, Civil Relations Service ng Armed Forces of the Philippines, tumagal ng 15 minuto ang palitan ng putok sa pagitan ng tropa ng 1001st Infantry Brigade sa Barangay Andap ng New Bataan town.
Kinilala ng Army ang mga nasawi na sina Chad Booc alias Chad, Jojarain Alce Nguho II alias Rain, isang kinilala lamang sa pangalang Daday, at dalawang hindi pa kilala.
Si Booc ay sinasabing isa sa mga nagsampa ng petisyon laban Anti-Terrorism Act noong nakaraang taon at lumagda bilang volunteer teacher ng Alternative Learning Center for Agricultural Development (Alcadev) na nagtuturo sa mga batang Lumad.
Noong Pebrero 2021, isa rin si Booc sa pito katao na volunteer sa Lumad ‘Bakwit School’ sa Cebu City na naaresto ng pulisya sa sinasabing operasyon sa pag-rescue sa 19 mga batang Lumad sa loob ng University of San Carlos retreat house.
Inakusahan ang mga ito na dinadala sa Cebu City ang mga batang Lumad mula Talaingod, Davao del Norte, nang walang pahintulot sa mga magulang at dinodoktrinahan upang maging miyembro ng Communist Party of the Philippines at NPA.
Inilipat ang mga bata sa kustodiya ng gobyerno habang si Booc at anim pa ang ikinulong sa Cebu City at kinasuhan ng kidnapping, trafficking at child abuse sa Davao del Norte prosecutor’s office.
Gayunman, nadismis ang kaso dahil sa kakulangan ng ebidensiya.
