ALINSUNOD sa programang Zero-Basura, nakatakda na ang mahigpit na pagpapatupad ng lokal na pamahalaan ng Angono sa ordinansang nagbabawal sa paggamit ng mga plastik at styrofoam para sa packaging ng mga paninda sa pamilihan at iba pang mga establisimyento.
Sa Municipal Ordinance No.11-618, ayon kay Mayor Jeri Mae Calderon, may karampatang parusa para sa mga indibidwal at establisyimentong lalabag sa bagong panuntunang katuwang ng programang “Zero-Basura” na sadyang binalangkas sa hangaring mabawasan ang basurang plastik na nagiging sanhi ng pagbabara ng mga daluyang tubig at pagbaha sa ilang lansangan sa naturang bayan.
“Mayroon na naman po tayong ordinansang nagbabawal at nagreregulate sa paggamit ng plastic sa mga tuyo at basang paninda at pagbabawal ng paggamit ng styrofoam sa bayan ng Angono,” saad ng alkalde sa kanyang Facebook post.
Sa ilalim ng ordinansa, pagmumultahin ng P500 sa bawat paglabag ng indibidwal. Mas mabigat na parusa naman ang itinakda sa mga establisimyentong pagmumultahin ng P2,000 para sa bawat paglabag sa ordinansang particular na tumutukoy sa paggamit ng mga styrofoam, plastic bag at pouch, bukod pa sa pagkansela ng business permit para sa maraming paglabag.
Gayunpaman, higit na mababa ang multang itinakda ng ordinansang bayan kumpara sa Single-Use Plastic Products Regulation Act na nagpapataw ng multang naglalaro sa pagitan ng P50,000 at P500,000 para sa maliliit na negosyo, at P250,000 hanggang P1 milyon para sa mas malalaking negosyo.
Inatasan ng pamahalaan upang isagawa ang pagpapatupad ng ordinansa simula Agosto 1, 2022 ang Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), sa pakikipag-ugnayan sa sampung (10) barangay ng nasabing lokalidad.
Bago ang anunsyo, isang kasunduan sa pagitan ng lokal na pamahalaan at ng mga market vendor na sumasang-ayon sa bagong ordinansa bilang pagsunod sa Single-Use Plastic Products Regulation Act na nagpapahinto sa produksyon, pag-aangkat, pagbebenta, pamamahagi, probisyon, at paggamit ng plastik.
Kabilang na rin dito ang mga drinking straw, stirrers, plastic sticks, confetti, at packaging. Kaugnay nito, ang Single-Use Plastic Products Regulation Act ay nag-uutos sa pagbabalangkas ng isang “phase-out plan” upang matiyak na ang bansa ay naaayon sa mga layunin ng batas.
Ang mga negosyo, samantala, ay inatasan na magsulong ng mga produktong magagamit muli at singilin ang mga customer na hihingi ng mga plastic bag.
