Ilan sa mga kasamahan ng biktima ang naghanap sa bangkay matapos anurin ng malalakas na ragasa ng tubig.
ISANG Philippine Coast Guard (PCG) rescuer rescuer ang binawian ng buhay matapos tangayin ng rumaragasang ilog sa kasagsagan ng search and rescue (SAR) operation sa Sitio Daeng, Barangay Halog East, Tubao, La Union, ngayong araw, ika-05 ng Setyembre 2023.
Isa si CG Petty Officer Third Class (PO3) Ponciano Nesperos sa mga miyembro ng Special Operations Group-North Western Luzon (SOG-NWLZN) na rumesponde sa “drowning incident” sa Sitio Daeng kasabay ng nagpapatuloy na sama ng panahon.
Pagdating sa lugar ng insidente, dahan-dahang tumawid si CG PO3 Nesperos para i-secure ang “safety line” sa kabilang bahagi, ngunit nawalan siya ng balanse at tuluyang tinangay ng rumaragasang ilog.
Sinubukan siyang iligtas, ngunit wala siyang malay nang ma-recover ng PCG SAR team.
Agad siyang dinala sa La Union Medical Center upang makatanggap ng tulong medikal, ngunit dito ay idineklara siya bilang “dead on arrival.”
Agad itong ipinagbigay-alam ng PCG sa kanyang mga mahal sa buhay at patuloy ang koordinasyon upang maibigay ang kinakailangang tulong para sa kanila.
Nakikiramay ang buong PCG sa naulilang pamilya ni CG PO3 Nesperos na hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay ay piniling isakatuparan ang sinumpaang tungkulin sa bayan.
