PINASINAYAAN ni Senador Joel Villanueva ang payout at orientation briefing ng higit sa 600 katao sa mga Lungsod ng Biñan at Santa Rosa, Laguna, para sa TUPAD emergency employment program Lunes ng umaga.
Pinangunahan ni Villanueva, Chair ng Senate labor committee, ang payout sa higit na 600 katao na lumahok sa 10-araw na trabaho sa ilalim ng TUPAD emergency employment program, na tinukoy ng tanggapan ni Rep. Len Alonte.
Samantala, pinangunahan din ni Villanueva ang orientation briefing ng higit sa 200 benepisaryo ng TUPAD sa City of Santa Rosa kasama ang lokal na gobyerno sa pangunguna ni Mayor Arlene Arcillas.
Ibinahagi sa mga benepisaryo sa Sta. Rosa ang TUPAD uniform, personal protective equipment at kagamitan para sa kanilang 10-araw na trabaho.
Ani Villanueva, nais pa niyang palawigin ang TUPAD emergency employment program sa pamamagitan ng pagpasa ng batas para maging regular na programa na ito ng gobyerno.
Inihain ni Villanueva ang Senate Bill No. 1456 upang gawin itong permanenteng programa ng gobyerno.
