TUMAAS na sa lima ang nasawi sa sumabog na pabrika ng paputok sa Cabuyao, Laguna matapos mamatay na rin ang isang limang taong gulang na bata, ayon sa lokal na pamahalaan ngayong Sabado.
Inilipat pa ang bata sa isang ospital sa Quezon City ngunit hindi na rin naisalba, ayon kay Aris Mane, chief information officer ng Cabuyao LGU.
Noong Huwebes ay nasunog ang pabrika kung saan dalawa agad ang iniulat na nasawi sa Barangay Bigaa. Anim pa ang nasa kritikal na kondisyon, ayon sa report.
Kinilala ang mga nasawi na sina John Ronald Gonzales Deduro, 23 years old; Marvin Lamela Ocom, 27; Ricardo Olic-Olic, 51; at Bebot Reymundodia, 44.
Sinabi sa report na may kaukulang permit ang pabrika. Hindi rin ito ang unang pagkakataon na may nasunog na pabrika ngunit walang nasawi sa mga insidenteng iyon.
Patuloy pang iniimbestigahan ng awtoridad ang insidente.
