ININSPEKSIYON ni Ako Bicol Party List Representative Elizaldy Co ang Legazpi Port, Legazpi City, Albay kasabay ang pagdaong ng unang cruise ship sa lungsod matapos ang pandemya.
Sa kanyang pagbisita, ipinahayag ni Co na kailangan ng isang bagong port na mayroong modernong pasilidad upang maakit ang mas maraming turista at gawing pangunahing destinasyon ng turismo sa Pilipinas ang Legazpi City.
Nasimulan na ang naturang proyekto pero pansamantalang itinigil dahil sa kakulangan ng budget. Gayunpaman, hindi tumigil si Co sa kanyang layunin na makakuha ng kailangang pondo upang maipagpatuloy ang proyekto at maisakatuparan ito sa lalong madaling panahon.
Nakipag-ugnayan na si Co kay DPWH Secretary Manuel Bonoan upang ipriority ang proyekto at mabigyan ng pondo ang Phase 2 ng naturang proyekto. Nais ng kinatawan na makumpleto ang isa sa pinakamalaking international cruise ship terminal sa Eastern Pacific bago matapos ang termino ng kasalukuyang presidente.
Naniniwala ang Bicolanong mambabatas sa importansya ng pagpapalakas ng industriya ng turismo sa kanilang lugar. Magdadala umano ito ng karagdagang trabaho para sa mga local at aangat ang ekonomiya ng Bicol region.
