Unang sasadyain ng mga mobile vaccination teams ang Lupang Arenda kung saan nananahan ang hindi bababa sa 150,000 residente ng nasabing bayan.
TAYTAY, Rizal – Gamit ang kakaibang estratehiya, target ng lokal na pamahalaang tapusin sa lalong madaling panahon ang isinasagawang pagbabakuna kontra COVID-19.
Sa kanyang Facebook post, inianunsiyo ni Taytay Mayor Joric Gacula ang pag-iikot ng mga mobile vaccination centers lulan ang mga kawani at medical experts ng katuwang ng lokal na pamahalaan para tuntunin ang mga kasuluksulukan ng nasabing bayan.
Ang kanilang pakay – masinsinang pangungumbinsi at pagbabakuna sa mga residenteng hindi pa pa natuturukan ng booster shots na nagbibigay ng karagdagang proteksyon laban sa nakamamatay na karamdaman.
Unang sasadyain aniya ng mga mobile vaccination teams ang Lupang Arenda kung saan nananahan ang hindi bababa sa 150,000 residente ng nasabing bayan.
Batay sa census, halos sumampa na sa 400,000 ang populasyon ng nasabing bayan.
“Mag ikot at mag bahay bahay ang ating Municipal Health Office upang literal na ilako, ialok at personal na hikayatin ang mga naninirahan sa Purok 2, Floodway-B at Bagong Pag-asa upang mangasiwa ng pagbabakuna para sa mga kulang, kundi man wala pang bakuna at magturok ng booster shots sa mga bakunado,” lahad ni Gacula sa kanyang FB post.
Sabayan ding isasagawa ang pediatric vaccination para naman sa mga batang edad 12 hanggang 17, mula alas 8:00 ng umaga hanggang alas 4:00 ng hapon, Lunes hanggang Sabado.
“Iikot po ang ating mga ambulansya lulan ang mga bakuna kinabibilangan ng Janssen at Moderna para sa Mga 12-anyos pataas mula ika-8 ng umaga hanggang ika-4 ng hapon.
Ito po ay gagawin natin mula Lunes hanggang Sabado upang mapaigting pa ang proteksyong pang kalusugan ng ating bayan. “ Hinikayat din ng alkalde ang iba pang makipag-ugnayan sa Taytay LGU para sa agad na mapasyalan ng local mobile vaccination teams.
“Maaari po kayong mag bigay ng liham sa ating opisina kung nais nyo pong mapasyalan ang inyong iskinita, purok, lugar upang ating ma atasan ang grupo ng resbakuna,” pagtatapos ni Gacula.
