MATAPOS idaos ang isang mapayapang halalan, agad na ipinabaklas ng mga pamahalaang bayan ng Angono at Binangonan ang sandamakmak na basurang kalakip ng 45 na kampanya.
Sa bayan ng Binangonan umabot sa dalawang trak ng mga campaign posters, tarpaulins, mga kawayan, at mga nagkalat na plastik sa mga itinalagang polling places ang hinakot at dinala sa kanilang Materials Recovery Facility (MRF) kung saan ito nakatakdang gamitin para sa mga local livelihood programs gamit ang mga recyclable materials.
Ayon kay Municipal Administrator Russel Ynares, magkatuwang na nilinis ng Binangonan LGU at mga boluntaryong kumakatawan ng iba’t ibang samahan sa kanilang lokalidad ang magkakatuwang na lumibot sa kanilang 44 na barangay – kasama ang bahagi ng Talim Island na sakop ng naturang baybaying bayan. “Dito naman sa amin sa Rizal, maski walang direktiba, may kusang palo ang LGU at mga local NGOs (non-government organizations),” sambit ng opisyal.
Sa karatig na bayan ng Angono, hindi sumapat ang isang biyahe ng trak na pag-aari ng lokal na pamahalaan para baklasin at ubusin ang mga campaign posters na naiwan sa mga designated posting areas, sa mga pangunahing kalsada, mga pribadong istruktura, mga eskinita at paaralang nagsilbing polling places nitong nakaraang Lunes.
Ani Mayor Jeri Mae Calderon, hindi na nila hinintay ang tugon ng iba pang kandidato sa direktibang inilabas ng Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Commission on Elections (Comelec).
“Mas maagap, mas maganda,” ani Calderon. Pagtitiyak ng alkalde, agad nilang dinala sa kanilang Creative Economy Center ang mga binaklas na campaign posters, streamers at tarpaulins na nakolekta mula Mayo 10 upang i-recycle.
