Selos ang itinuturong dahilan sa pagpatay ng pulis sa kanyang misis sa Naga, Cebu.
PATAY ang isang misis matapos barilin ng mister na pulis sa loob ng police station sa Naga, Cebu.
Ayon sa ulat ng Unang Balita mula sa GMA Regional TV Balitang Bisdak kinilala ang suspect na si
Police Staff Sergeant Fernando Mata na bumaril sa kanyang misis na si Geronia.
Ayon sa imbestigasyon, nasa himpilan ng pulis si Geronia para magsampa ng reklamo laban sa asawang pulis na noon ay off-duty.
Sinugod umano ng suspect ang biktima sa himpilan at matapos noon ay umalingawngaw ang anim na putok ng baril.
Dead on the spot si Geronia habang agad namang nadakip si Fernando.
Ayon sa pulisya, selos ang ugat ng away ng mag-asawa. Tumangging magbigay ng pahayag ang suspect.
