NAIBALIK na sa Maynila ang mga bangkay ng magkarelasyon na dumayo lang ng Davao City para manood ng concert ngunit pinatay sa nirentahang condominium noong Abril 21.
Nabatid na nagtungo ang magkasintahan na sina Jennifer Chavez at Jeff Predas sa Davao City at sa tulong ng hinihinalang suspect na isang ‘Clark’ ay naibook ang mga ito sa isang condo sa JP Laurel Avenue, Davao City.
Dalawang kuwarto – room 319 at 323 – ang naibook ni ‘Clark’ kung saan nanatili ang magkasintahan sa room 323.
Ayon sa awtopsiya siyam na saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tinamo ni Predas habang sa leeg sinaksak si Chavez. Kapwa natutulog ang mga biktima nang saksakin.
Ang bangkay ni Predas ay dinala pa sa ikaanim na palapag at doon ay inihulog pa ng suspect.
Sinasabing crime of passion ang motibo at personal nag alit ng krimen.
Dalawa pa katao ang sinusubaybayan ng pulisya na posibleng sangkot sa trahedya.
May bakas din ng dugo sa silid na tinuluyan ni ‘Clark’. Hinihintay din ang DNA test kung magtutugma ang dugo ng mga biktima sa natagpuan sa silid ni ‘Clark’.
Wala rin umanong nawawala sa gamit ng mga biktima at hindi magulo ang silid ng mga ito nang matagpuan ang bangkay ng babae.
