Courtesy: Tayabas police
PINAGBABARIL hanggang mapatay ang mag-ama habang isa pa ang sugatan nang lusubin ng grupo ng mga armadong lalaki ang kanilang bahay sa Tayabas, Quezon.
Tiniyak ng mga suspect na umano’y kaanak din ng mga biktimang sina Elgelito at anak nitong si Joselito Ormacido na wala nang buhay ang mga ito bago tumakas.
Bala ng .45 kalibre sa likod at ulo ang tumapos sa mga Ormacido habang sugatan din pero nakaligtas ang isa pang anak ni Elgelito na si Rico.
Sa imbestigasyon ng pulisya, pinagbabaril ang mga biktima sa labas ng kanilang bahay sa Barangay Isabang.
“‘Yung isang suspek pumunta sa bahay ng biktima. After noon, lumabas yung mga biktima at ‘yon, ayun doon sa imbestigasyon natin, paglabas ay nagkaroon na ng putukan,” ayon kay Police Leiutenant Colonel Bonna Obmerga, hepe ng Tayabas City Police.
Tatlo umano ang bumaril sa mag-aamang biktima, habang tatlo pa ang nagsilbing lookout.
Nadakip sa follow-up operation ang lima sa mga suspek, na pawang mga kamag-anak ng mga biktima.
Dating hidwaan at away sa lupa ang tinitingnan motibo sa krimen.
Ayon kay Obmerga, itinanggi ng mga suspek ang paratang.
“Di umano ay sila pa ang tinaga, yung tatay nila kung kaya humantong sa ganoong insidente,” anang opisyal.
Sinusubukan pang makuha ang pahayag ng mga suspek at pamilya ng mga biktima.
