UMAMIN sa krimen ang live in partner ng chop-chop lady kung saan natagpuan ang iba’t ibang bahagi ng katawan sa Antipolo City.
Hindi na umano kinaya ng konsensiya ni Vince Ramos ang nagawang krimen kaya’t inamin nito ang pagpatay sa biktimang si Lanie Cabanet Loreto.
Huling nakitang buhay si Loreto noong June 7 at nagpaalam itong may kakatagpuin na isang ‘Ate’ sa Cogeo, Rizal. Kasama umano nito ang ka-live in.
Biyernes ng tanghali nang makita ng nangangalakal ng basura ang ulo, paa at braso ng biktima sa ilalim ng tulay ng NHA sa Barangay Dela Paz.
Pagsapit ng hapon, may nakita pang parte ng katawan ng biktima sa Sitio Calumpang sa Boso-boso.
Nitong Sabado ng umaga, sinabi ni Police Leiutenant June Abrazado, hepe ng Antipolo Police Station, na umamin sa krimen si Ramos.
“Sabi niya nakokonsensiya na rin siya kaya kaninang madaling araw umamin na siya,” ayon kay Abrazado.
“Hinampas niya sa ulo at ito raw ay nawalan ng malay and accordingly, inatake raw sa puso,” dagdag ng opisyal.
Ayon kay Abrazado, sobra siyang natakot at hindi niya alam ang gagawin nang mamatay ang biktima.
“Hindi ko mailabas ang katawan, hindi ko masabi sa pulis baka ano gawin sa akin,” saad ng suspek, at inaming itak ang ginamit niya para paghiwa-hiwalayin ang katawan ng biktima.
Sasampahan ng kasong murder ang suspek, ayon sa pulisya.
