HINDI na nailigtas pa ang buhay ng isang 85-anyos na lolo matapos itong masunog nang buhay habang inaapula ang apoy sa likod-bahay sa Batangas City.
Ang biktimang si Sofronio Marasigan, ng Barangay Taliba, ay sinabing nagsunog ng basura sa likod-bahay bandang alas-2:10 ng hapon ng Martes.
Dahil sa lakas umano ng hangin ay nadamay ang kalapit na kawayanan at lumaki ang apoy.
Tinangka umanong apulahin ng biktima ang apoy ngunit nawalan ito ng balanse at natumba sa apoy.
Hindi na umano nagawa pang tumayo ng biktima hanggang tuluyan na itong lamunin ng apoy.
Tumagap pa ng isang oras bago tuluyang naapula ng mga bumbero ang apoy.
