NAKALIGTAS sa tangkang pagpatay ang lider ng isang transport group matapos itong barilin sa harap ng kanyang bahay, Linggo ng umaga sa General Santos City.
Si Larry Villegas, chair ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston) sa Soccsksargen (South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani, at General Santos City) region, ay naglilinis ng kanyang tricyle sa harap ng bakuran sa Buayan village bandang alas-6 ng umaga nang lapitan ng dalawang lalaki sakay ng motorsiklo.
Agad pinagbabaril ng mga ito si Villegas, 64.
Gayong agad na nakadapa ang biktima ay tinamaan pa rin siya ng bala sa binti, ayon kay Sonia Eugenio, regional coordinator ng Makabayan.
Isinugod sa ospital at inoperahan sa tama ng bala ang biktima.
Humiling na rin ng dagdag seguridad ang pamilya sa kapulisan.
Nabawi sa pinangyarihan ng krimen ang dalawang basyo ng 9mm pistol.
Nabatid na si Eugenio ay posible umanong bahagi na rin ng mga target na aktibista sa rehiyon.
Si Villegas ay coordinator din umano ng party-list group na Bayan Muna sa General Santos City. Aktibo rin umano ang biktima sa pakikilahok sa kilusan tungkol sa mga driver at transport groups.
