MATINDING selos ang nag-udyok sa isang pulis para pagbabarilin at mapatay ang dating karelasyon na konsehala sa Nueva Ecija-Pangasinan Road sa Barangay Maturanoc, Guimba noong Pebrero 12.
Patungo umano si Santo Domingo, Nueva Ecija Councilor Angelique Alexis Paulino, 33, at residente ng Brgy. Sto Rosario sa isang reunion bandang alas-6 ng umaga nang maganap ang insidente.
Minamaneho nito ang kanyang kulay gray na Hyundai Accent na may plakang CBK 4734 nang biglang pagbabarilin ng suspect na si Patrolman Saddam Pascual sakay ng kanyang pulang Hyundai Eon na kotse ang biktima.
Si Pascual, 32, nakatira sa Purok 5, Brgy. Sto. Rosario, Sto. Domingo ay miyembro ng Philippine National Police at nakadestino sa Agoo, La Union.
Walong tama ng bala ang tumama sa katawan ng biktima na namatay noon din.
Sa panayam, sinabi ng suspect na matinding selos ang nagbunsod sa kanya para gawin ang krimen.
Nakipaghiwalay umano sa kanya ang biktima matapos ang halos walong taon na pagsasama.
Hindi umano ito matanggap ni Pascual at lalong nagalit nang malaman na may iba nang dine-date ang biktima.
Ilang saksi rin ang nagsabi na bago maganap ang insidente ay nakita pa ang suspect malapit sa bahay ng biktima at sinundan pa ang kotse nito nang makaalis.
Sa unang ulat na tinanggap ni Col. Richard Caballero, director ng Nueva Ecija Police, binaril ang biktima ng riding in tandem. Tuluy-tuloy pa na bumangga sa kongkretong poste ng kuryente sa east-bound shoulder ng kalsada ang sasakyang ng biktima.
Nabatid na dadalo sana ng high school reunion ang biktima nang mangyari ang krimen.
Si Paulino ay literature and language graduate sa University of the Philippines Baguio.
Sa follow up operation, nakita na iniuwi ni Pascual sa bahay ng ama nito sa Rosales, Pangasinan ang sasakyan at nahuli ito sa bayan ng Talavera sa Nueva Ecija.
Itinago pa nito ang service firearm na siya ring natukoy na murder weapon ngunit narekober din ng pulisya.
Si Paulino ay hiwalay sa asawa at may dalawang anak na naulila.
Nanalong 1st councilor ng bayan ng Sto. Domingo nito lamang 2022 National and Local Elections.
Bago ito, wala itong anumang katungkulan sa gubyerno ngunit tumutulong na sa kanyang ama na si G. Romeo Paulino na dating brgy. captain ng Brgy. Sto. Rosario at ABC President.
Aminado ang kaanak ng konsehala na mayroon silang pangamba pagdating sa seguridad dahil sa katayuan ng suspect.
