LAGUNA — Unti-unting sumisipa pataas ang kaso ng Covid-19 sa lalawigang ito ayon sa datos na inilabas ng Laguna Provincial Health Office nitong araw ng Martes, Enero 4.
Bagama’t nasa Alert level 2 status ang Laguna, naitala ang 25 aktibong kaso ng coronavirus noong Disyembre 29 at tumaas ito sa 273 matapos makapagtala ng mga karagdagang panibagong kaso ng nakahahawang sakit ang ilang mga lungsod at bayan sa lalawigan.
Naitala sa mga bayan ng Santa Rosa City, Calamba City, San Pablo City, at Los Baños ang mga bahagyang pagtaas. Samantala, aabot na sa 100,542 ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng Covid-19 buhat nang magsimula ang pandemya.
May kabuuang bilang naman ang mga nagkasakit na aabot sa 97,124 habang 3,145 ang bilang ng mga pasyenteng pumanaw dahil sa Covid-19.
Sa ngayon ay nananatili namang Covid-free ang siyam na bayan sa Laguna kabilang ang Siniloan, Majayjay, Lumban, Pakil, Santa Maria, Mabitac, Luisiana, Magdalena, at Famy.
Patuloy ang panawagan ng pamahalaang panlalawigan ng Laguna gayundin ng mga lokal na pamahalaan sa kanilang mga nasasakupan na patuloy na sundin ang minimum public health standards at magpabakuna laban sa Covid-19.
Patuloy din ang panghihikayat sa mga fully vaccinated na mga residente na magpabakuna ng booster shot upang ganap na magkaroon ng proteksiyon laban sa Covid-19 lalo na pumapasok sa bansa ang mas mabagsik na virus na Omicron.
