“Kahit hindi taga-Maynila, maaaring tulungan ng lokal na pamahalaang lungsod sakaling kailanganin nila ang gamot laban sa COVID,” pahayag ni Manila Mayor Isko Moreno.
INIHAYAG ng tumatakbo sa pagkapangulo at mayor ng Maynila na si Isko Moreno Domagoso na bukas ang kanyang lungsod sa sinumang mangangailangan ng gamot kontra COVID-19.
Ayon kay Domagoso, sinumang kailangan ang gamot laban sa nakamamatay na sakit ay maaaring lumapit sa kanilang lungsod at hindi sila magkakait ng tulong.
“Kahit hindi taga-Maynila, maaaring tulungan ng lokal na pamahalaang lungsod sakaling kailanganin nila ang gamot laban sa COVID,” pahayag ni Domagoso, standard bearer ng Aksyon Demokratiko sa mga dumalo sa kanyang “meet and greet tour” sa Tiaong, Quezon.
Aniya, mayroon silang remdesivir at mga bagong medisina kontra COVID-19 makaraang matanggap na ng pamahalaang lungsod ang binili nilang Molnupiravir na oral treatment para sa may mild at moderate COVID at Baricitinib na maaaring ipalit sa Tocilizumab.
Kasabay nito, sinabi niyang makikiisa ang lokal na pamahalaang Maynila sa gaganaping National Vaccination Day ng national government kung saan naghanda sila ng nasa 75 vaccination sites sa lungsod mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.
Aniya, bukod sa malawakang bakunahan sa Maynila ay magbabakuna din sila sa Laguna, Batangas, Quezon, Ilocos Norte, buong rehiyon at sa buong isla. “Napagkasunduan na namin ito at magiging bahagi ang Maynila sa layunin ng national government. We must vaccinate, para kung magka COVID man tayo, meron naman tayong proteksyon,” ani Domagoso.
“Tuluy- tuloy ang bakunahan sa mga bata, A1, A2, A3 vaccine booster. We are on track. Tira lang kami nang tira,” dagdag pa nito. Samantala, sinabi ni “Yorme” na ipagpatuloy niya, kasama kasama ang kanyang runningmate na si Dr. Willie Ong, gayundin ang tatlong senatoriables na sina Samira Gutoc, Jopet Sison at Carl Balita, ang kanilang pagbisita sa mga tao, partikular na ang mga nasa sektor ng agrikultura, mga manggagawa, at nasa laylayan ng lipunan upang makipag-usap at malaman ang kanya-kanyang kwento ng mga tao at sitwasyon ng pamumuhay ng mga ito.
Sa ganito aniyang paraan ay makabubuo sila ng mga plano at polisiya na magagamit nila sakaling magwagi sa darating na 2022 national elections. Ayon pa kay Domagoso, sa kabila ng peligro ng pakikisalamuha nila sa mga tao lalo na ngayong panahon ng pandemya ay hindi niya ito alintana dahil ang kapartner niya ay isang doktor. “Hindi ako kabado dahil may kapartner ako na doctor, hindi ko masyado iniintindi ‘yun dahil gusto ko na makisalamuha sa mga tao,” aniya.
“If you want to take the leadership to our country, you have to show yourself to the people and make yourself available to them,” dagdag pa ni “Yorme.”
